Huwebes, Disyembre 17, 2009

Ang Pakikialam ng Pilipino sa Filipino at Nito sa Atin

Paghahanda:Repleksyong Papel
FILIPINO 210 – Estruktura ng Filipino
Ika-27 ng Nobyembre, 2009
Ricafrente, Leo B.


Ang Pakikialam ng Pilipino sa Filipino at Nito sa Atin

Hayaan ninyong pasimulan ko ang sulating ito gamit ang sumusunod na pahayag:


If you don’t want others mind you and your own business,
Please Mind Y(Our) Own Language!

Kung sakaling sikilin man ako ng nababanggit na pahayag sa itaas dahil mas ginamit ko pa ang Ingles sa halip na Filipino, pakatingnan at pakalimiin muna nawa ang aking ilang pangahas na pagpapaliwanag kung bakit gayon na lamang ang aking naging pambungad. Masyadong may kalabisan at pagbabalikwas, marahil. Pero hayaang ipagpatuloy mo pa rin ang iyong pagbabasa at huwag madala sa bugso ng iyong damdamin. Ang mga ito ay may dahilan.

Ito’y hindi sa nakikialam ako sa buhay ng may buhay. Ito’y ‘di rin tanda ng aking abnormalidad, sapagkat alam kong ako’y normal. Ito’y kundi impluwensya lamang sa akin ng aking mga karanasan sa larangan ng pagtuturo at ng mga sagot sa bawat tanong na kailanma’y di pa naging sapat sa akin upang lubusang mapaniwalaan at tuluyang matanggap. O di kaya’y pagdating sa kung anumang umiiral na ugnayang sosyal mayroon ako bunsod sa kasalukuyang kalakaran ng namamayaning uri; at ng sistema ng edukasyon mayroon tayo. Ang mga ito’y may dahilan.

Hindi ko kailanman layon ang magparinig. Lalong-lalong hindi ko rin layon ang manghimagsik laban sa kung sinuman man. Matino ang aking kamalayan. Sapagkat ang kamalayan ko sa mga usaping pangwika ay gising na gising. Mulat ako. At ang pagkamulat na ito’y di ninuman mapasusubalian.

Ngunit ang mga pagpapaliwanag kong inyo nang nabasa, at sana’y patuloy ninyo pa ring binabasa, ay di ang mga paliwanag na siyang aking gustong maiparating. Alam kong ako’y masyado nang masalita. Aam ro rn yan dahil ako’y may dahilan. Kaya ngayon, sana’y ang mga pagtatangkang pagpapaliwanag ko’y kahit papaaano’y makatulong, makabuo at sa inaasaha’y di na naman sana makapanghamak.

Una sa lahat, likas na siguro o di kaya nama’y nakatadhana na sa ating mga Pilipino ang pagiging pakialamero. Marahil, naaabalidbaran tayo kung may mga kapwa-pinoy na parating suntok sa atin parati ang pahayag nilang “If you don’t want others mind your own life, just mind your own business.” Sa katotohanan, alam ko ring di ko maitatatwa na ang ginagawa kong ito ay isang paraan ng pakikialam. Kaya lamang, ang pakikialam na ito ay siguradong di naman mapanghamak, tulad ng akin nang nasabi...Sana nga’y hindi, dahil alam kong maganda ang tunguhin ng ganitong pakikialam. Buong pasasalamat ko na siguro kung ang kagandahan ng ganitong pakikialam ay nagsisimula na ngayon pa lang. Lalo na kung pakikialaman an gating wikang Filipino at ang pagtuturo ng Filipino.












Dahilan ko rin sa mga mahilig makialam. “If you don’t want others mind your own life and your own business, allow me to mind you, because you are my business.Trabaho kong pakialaman ang mga taong nabubulagan sa kanilang mga trabaho...lalong-lalo na yaong mga taong may kinalaman sa kinabukasan ng ating wika. Gusto ko ring busalan ang kanilang mga bibig upang manahimik na sa kasasalita ng kung anu-anong Ingles. At tayo yun. Gusto kong pakialaman ang mga taong bulag sa pagsulong ng ating wikang pambansa. Gusto ko ring pakialaman ang sinuman na ayaw tumanggap ng pakikialam ng iba. Lalong-lalo na kapag sila ay pinakikialaman sa kung anong wika ang kanilang ginagamit. sa halip na payabungin ang wikang sarili ay wikang banyaga pa rin ang siyang mas pakagamitin at mas pinakatatangap. At dahil ditto, hinihingi ko ang akin depensa kay Gloria.

At baka makalimutan ko pala, may pakialam din pala ako sa tungkulin ng mga taong dapat gumagawa ng kanilang mga trabaho sa Komisyong ng Wikang Filipino. Sana’y ang kapakanan ng Filipino, bilang ating wikang pambansa, ang kanilang pinakikialaman at di ang pakikipagmatigasan-tagisan sa mga unibersidad sa kung ano ang mga pamantayan sa gramatika ang dapat pairalin... at kung sino ang dapat masunod.

Bilang panapos, at sana’y di dito na lamang magtapos ang aking pakikialam, tandaan na If you don’t want others mind you and your own business, please Mind Y(Our) Own Language! Bilang guro, bilang mamamayan ng bansang ito at bilang pakialamero, gusto kong magturo gamit di ang wikang banyaga kundi ang wikang atin na di na sana bahid ng kadena ng mga suliranin... dahil pinakaayaw ko ang makialam sa gramatikang sigalot, dahil ayaw ko na ng mga sigalot, kundi mas gusto ko na sa may pagkakaisang sangkot. Ito ang aking gusting pakialaman.

Isa pa, at sana’y may mga susunod pa...pakialam ko rin pala sa mga guro na ayaw mag-aral at tumanggap ng mga pagbabago sa ating wika. May pakialam ako sa inyo, dahil may pakialam din kayo sa akin at sa ating wika at sa kinabukasang naghihintay sa ating bansa. Ang tanong: Kung makialam?!. Kaya’t halina’t makialam. Maging pakialamero.

Walang komento: