Lunes, Pebrero 11, 2008

bakit baliktad magbasa ng libro ang mg Pinoy? I don't know, that's why u have to read this!

Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? ni Bob Ong: Isang Pagsusuri

ISANG PAGSUSURI SA NOBELANG
Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino ni Bob Ong

INTRODUKSYON

“Meron bang aral na mapupulot? Nasa mambabasa na ‘yon kung handa s’yang madumihan ang kamay sa pamumulot.”

Gaya nga ng sinabi ng manunulat sa kanyang introduksyon, ang yellow book kung tawagin sa internet ay tumatalakay sa mga opinyon ng tao o mga kwentong barbero. Sa paglalahad ng may-akda sa kanyang nobela, klinaro niya na ang laman ng kanyang libro ay pawang mga artikulo mula sa BobongPinoy.com kung saan ang manunulat ang mismong webmaster nito.
Ang BobongPinoy.com ay ang site ni Bob Ong, ang manunulat, na tumatalakay sa mga kapintasan at kagandahan ng pagiging Pilipino. Itinatag ito ng maupo sa pagka-presidente si Joseph “Erap” Estrada, at binuwag matapos itong bumaba sa kanyang pagsisilbi. Dito, malayang nakapag-uusap ang mga Pilipino, loob at labas ng bansa, para talakayin ang mga nangyayari sa kanyang bayan. Mapa-politika at gobyerno man, malayang nakakapagpalitan ng kuru-kuro ang mga bisita ng Bobongpinoy. Sabi nga ni Bob Ong dito, para siyang hinarap sa milyong milyong mambabasa para ihayag ang kanyang pakay gamit ang internet. Marahil nga, nagtagumpay si Bob Ong sa kanyang mithiin. Nakapagsalita ang mga Pilipino at naihayag nila ang kanilang saloobin sa harap ng marami pang Pilipino at banyaga.
Marami nga bang kapalpakan na ginawa si Erap at bumuo pa ng site para isapubliko ang mga kapalpakan niya? Sa mga larawan na makikita sa yellow book, para siyang nagpapakita, bilang simbolo ng Pilipinong tamad, walang pakialam at ignorante. Sinasamahan niya si Juan Tamad sa pag-hihintay sa wala, at sinusuportahan si Uncle Sam sa ano mang mungkahi nito, makabubuti man o makasasama ng ating bayan.
Dahil nga sa pagbuwag ng naturang site, naisipan ni Bob Ong na isalin sa isang libro ang laman ng BobongPinoy. Dito nga nagbunga ang Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino. Tinawag rin itong yellow book dahil binalak ‘di umano ng may-akda na gayahin ang “For Dummies” book series.
Maraming puntong hinayag ang manunulat sa kanyang libro. Hindi maiiwasang mapatanong ka sa iyong sarili sa mga binabato ng librong ‘to. Minsan, mapapaisip ka na lang na “oo nga naman…” o “bakit nga kaya?” Sa pagbabasa nito, maliliwanagan ka sa tunay na kalagayan ng bansang tinatapakan mo ngayon.

“Siguro nakakatawa ang mga pangalan, pagkain, at kaugalian natin para sa mga taga-ibang bansa, pero dahil lang iyon sa iba ang kultura nilang kinagisnan.”

TALAMBUHAY NG MAY-AKDA

Hindi tulad ng ibang manunulat, mahirap hanapin ang talambuhay ni Roberto “Bob” Ong. Sa isang artikulong nasa Inquirer.net ngayon, gusto raw manatili ng may-akda na lihim ang kanyang pagkatao. Ayon rin sa kanyang patnugot, maging ang kanyang mga malapit na kamag-anak ay itinatanggi ang kanyang pagkatao o ‘di kaya tinatangging may kilala silang Bob Ong.
Ayon sa artikulo, alyas lang ang ngalang Bob Ong upang itago ang kanyang tunay na pagkatao. Sa paglilihim niya, nagagawa niya ang mga bagay na nais niyang gawin ng walang istorbo at alinlangan. Nagagawa niyang kontrolin ang bagay-bagay, at dahil dito, mas nasusulit niya nang husto ang kanyang propesyon bilang manunulat. Ayon rin kay Bob Ong, hindi na raw niya kailangan pang magsulat ng kanyang talambuhay para malaman ng tao ang kaniyang pakay dahil nakalahad na ito sa mga librong kaniyang naisulat.

Naging tanyag na si Bob Ong sa marami sa atin. Ang mga naisulat niyang libro ay ang Green book o ABNKKBSNPLAKo?! (2001), ang Black book o Ang Paboritong Libro ni Hudas (2003), ang Orange book o ang Alamat ng Gubat (2004), and White book o ang Stainless Longganisa (2005), at ang Red book o ang MACARTHUR (2007). Masasabing malayo na nga ang narating ni Bob Ong para sa isang manunulat na ayaw magpakilala at ilantad ang sarili sa kanyang mga taga-hanga.
Sa pagbasa ng kanyang mga libro, tulad ng “ABa”, masusulyapan mo kahit konti ang naging buhay ng may-akda noong bata pa siya. Sa kaniyang paggamit ng simpleng salita at paglalahad ng mga pangyayari batay sa kung paano sila nangyari, ay makikita mo ang kanyang sinabi na “ang buhay niya ay nakalahad na sa kanyang mga librong naisulat.” Sa kasalukuyan, ginagamit ang kanyang mga libro sa mga book reports tulad nito at ang mga nakolektang pera ay ibinabahagi niya sa mga charities.
Bilang patunay ng pagkatanyag ni Bob Ong, patuloy na tinatangkilik ng mga mambabasa ang mga gawa niya kahit na hindi nila kilala ang pagkatao nito. Bukas ang mata ng mga mambabasa sa opinyon at mensahe ng manunulat, at hindi sa kung sino at saan siya nagmula.

MGA TAUHAN

Sa librong ito, walang isinaad na partikular na tauhan ang may-akda kung saan iikot ang kwento. Maliban na lamang kung titingnan mo ito sa ibang angulo.

Isa sa mga tauhan ng librong ito ay si “Juan dela Cruz.” Kumakatawan si Juan dela Cruz sa lahat ng uri ng Pilipino. Nangibang-bayan man, opisyal ng pamahalaan, maybahay, trabahador, manunulat, aktibista at kung anu-ano pa. Siya ang nagsisilbing larawan ng lahat ng Pilipino sa nasabing libro. Hindi man madalas gamitin ni Bob Ong ang pangalang Juan dela Cruz, ginagamit niya ang pananalitang “tayo” at “Pilipino”. Si Juan dela Cruz ang simbolo ng ating kamangmangan, kagalingan at kapintasan. Sa libro, ang mga manunulat na Pilipino ang nagsisilbi ring Juan dela Cruz. Ilan lamang sakanila ay sina Mack Magno (sumulat siya ng isang artikulo na lumaban sa binatong panalalait ni Matthew Sutherland), Teresita Bacolcol, isang 1delacruise sa forums ng BobongPinoy at marami pang manunulat at bisita ng internet. Sa pagbabasa lang ng mga isinulat ni sa yellow book, makikita mo ang paraan kung paano mag-isip ang marami sa atin. Mula sa pagiging makabayan hanggang sa puntong halos iluwa na nila naging Pilipino sila. Maraming uri ng Pilipino sa loob man o labas ng bansa, at lahat sila simbolo ng ating si Juan dela Cruz. Hindi lamang sa librong ito tinatalakay ang paksang sakop lahat ng Pilipino, kundi pati narin sa ibang gawa ni Bob Ong. Tinatalakay niya ang kultura nating mga Pilipino sa paraang lahat tayo ay nakakasabay, lahat tayo nakakaintindi. Sa pamamagitan ni Juan dela Cruz, ang bida sa librong “Bakit Baliktad”, malinaw na naipahayag ni Bob Ong ang lagay ng ating bansa at sa kung ano ang ating magagawa para rito. Nang ilista niya ang mga uri ng Pinoy drivers sa libro, ‘di ko maiwasang magsimula nang magmasid sa mga driver at sabihin kung Kuya Bodjie, Don Facundo o Pacman ba siya.

Isa pang tauhan na naging mahalaga sa librong ito ay si “Uncle Sam” o ang sumisimbolo sa bawat dayuhan na pumaparito sa ating bansa. Tulad ni Juan dela Cruz, marami ring uri ng dayuhan ang pumaparito sa ating bansa. Nariyan ang mga negosyanteng mula Tsina, Japan o Amerika; mga turista, mga artista at kung anu-ano pa. Basta ba’t maputi ang balat o mestisa at mukhang may kaya sa buhay, iba na ang turing sa iyo ni Juan dela Cruz. Nabanggit rin sa libro na kahit anong galing kay Uncle Sam ay paniguradong top-of-the-line at sosyal sa paningin ni Juan, tungo sa kwentong “The Parable of the Mountain Bike” ni Orion Perez Dumdum. Ngunit meron din namang mga dayuhan na tila iba ang pananaw sa ating mga Pilipino. Tulad na lamang ni Matthew Sutherland, isang dayuhan na napadpad sa lupain ng Pilipinas upang laitin ang ating kultura, pangalan at paraan ng pamumuhay. Naisip ko, ano ba ang pakialam niya sa atin at malakas ang kanyang mga paratang at tira? Nasagot ang tanong ko sa sinabi ni Bob Ong:
“Ayaw pag-usapan ng mga Pilipino ang sakit ng bansa…kaya tuloy ang mga taga-ibang bansa ang gumagawa nito para sa atin.”
Hindi lamang ang artikulo ni Matthew Sutherland ang nagpatibay ng sagot ni Bob Ong. Isang Pilipino rin ang nakapansin nito, at parang halos ikahiya niya na isa siyang Pilipino. Sa paraan man kung paano mag-isip si Uncle Sam ay hindi alam ng lahat sa atin. May mga dayuhang nagpapasalamat sa pagmamalasakit ni Juan, mayroon namang mga naiinis sa sobrang kamangmangan nito. Alinman ang Uncle Sam na makikilala mo, isa lang ang sigurado. Hinahangaan siya ni Juan.

Sa isang banda, mayroon pang isang tauhan na marahil ay importante. Si “Erap.” Dahil sa kanya, nabuo ang BobongPinoy. Dahil sa kanya, namulat ang Pilipino sa korupt na pinuno. Dahil sa kanya, nabuo ang yellow book. Sabi nga sa artikulo ni Herdy Yamul na “Who Wants to be a Filipino?”, si Erap ay simbolo ng lahat ng masasamang bagay na makikita mo sa isang Pilipino. Ayon din sa isang artikulo ni Teresita Bacolcol na “Pinoy Pride”, nang magpasabog raw ng katalinuhan ang Diyos, nakikipag-inuman si Erap kay FPJ. Nakakatuwang isipin at ang isang presidenteng tulad ni Erap ang pupukaw sa pagka-makabayan nating mga Pinoy. Biruin mong pag-iimpeach lang pala sa isang presidenteng action star ang makakapagpabago ng isipan natin kung dapat pa ba tayo magpa-alipin sa mga nakatataas sa atin?

BANGHAY NG NOBELA

Sinimulan ng may-akda ang kwento sa pamamagitan ng pag-presenta ng isang dayalogo sa pagitan ng kanyang among banyaga at katrabaho. Sa lagay nila, hindi sila makaalis sa isang pulis na naghihintay ng lagay. Uso pa noon ang red tape o labis na ‘di pagsunod sa batas.

Sa paglalahad ng nobelang ito, naging malikhain ang may-akda sa kung paano niya ilalahad ang ideya ng pagiging “bobo” ng mga Pilipino. Nagpresenta siya ng isang sitwasyon kung saan sinabak ang isang Pinoy sa game show na oras ang labanan. Pilit na nagkakamali ang ating Pinoy contestant. ‘Di mo namamalayan, mapapatanong ka na lang, “ganyan na ba talaga ka-bobo ang mga Pilipino?” Kalat sa buong libro ang suliranin ng ating bida. Kasabay na ng pagpresenta ng kaisipang ito ang pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino. Sa mga bagay kung saan tayo tanyag, mga paraan na kung iisipin ay malayong-malayo sa paraan ng ibang bansa. Sa isang paraan na ‘di kaya gawin ng ilang manunulat, nailahad ito ni Bob Ong nang nakakukuha ang atensyon ng marami sa atin. Sa puntong ito, inilahad ang pagiging mahina natin sa maraming bagay, mapa-ingles man o matematika, pagdedesisyon man para sa sariling bayan o sa sarili lamang. Sa paglalahad niya, natanim sa isip ng kanyang mga mambabasa na ganito ang mga Pilipino, at marahil, ganito rin ang tingin ng mga dayuhan—at maaari ring hindi.

Sa kalagitnaan ng nobela, unti-unti nang lumilitaw ang problema na nais ilahad ni Bob Ong. Sa puntong ito na rin lumabas ang suliranin ni Juan. Kung ano ito ay tinalakay sa artikulo ni Barth Suretsky, isang Amerikano. Pansinin na Amerikano pa ang naalarma sa suliranin nating mga Pilipino:
“…ang mga pangit na ugaling ipinapakita ng maraming Pilipino ay sintomas ng kakulangan sa pagmamahal sa sarili, ng respeto at pagmamahal sa bansang kinagisnan, at higit sa lahat, ng kaisipan na sumuko na sa paghahangad ng pagbabago at kaunlaran.”
Kalaban ni Juan ang kanyang sarili. Ayaw na isipin ng ating bayani na may pag-asa pang umunlad ang kanyang bayan. Nawalan na siya ng pananalig na may igaganda pa ang kanyang Inang Bayan. Isang panloob na tunggalian rin ang nagaganap, dahil labis itong naguguluhan kung aling kultura ang dapat niyang sundin. Ang kanya ba, o ang kay Uncle Sam?

Paano mo nga ba maipipinta ang bayan mo sa telang puno na ng mantsa? At kung saka-sakaling mabago nga ang pangalan ng Pilipinas, magbabago ba ang tingin sa atin ng mga dayuhan? Babango ba ang rosas kapag nagbago ito ng pangalan? ‘Yan ang mga tanong na binato ni Bob Ong sa kasukdulan ng kanyang nobela. Kung iisipin, kakaunti lamang ang sasagot sa atin ng seryoso sa mga ganyang tanong. Ngunit kasabay ng pagbato ni Bob Ong ng mga tanong na ito, sinagot siya ng mga manunulat ni Juan, pati na rin ni Uncle Sam. Mga sagot na tila nakakapukaw ng pagka-Pilipino sa atin. Isang pagpukaw na dapat na nating ipagtanggol ang pagiging Pilipino ng bawat isa dahil minamaliit na tayo ng mga dayuhan at binabalewala na tayo ng gobyerno at ng mga opisyal na dapat ay pinagsisilbihan tayo. Kailangan pa bang matapakan tayo ng ilang beses bago tayo gumawa ng hakbang at gumalaw? Kailangan pa bang madaganan at madumihan ang pagkatao natin bago tayo magising sa katotohanang tayo lang ang makakapagpabangon ng sarili nating bayan? Lumabas ang katotohanang tayo mismo ang problema. Kulang na raw tayo sa pagkakaisa. Nagkaisa man ang bansa, overnight lang at may kasama pang mga tanke, karatulang tela, wristbands at kung anu-ano pang abubot, maipakita lang na nagkakaisa sila. Pero matapos ang mga gabing iyon, larawan lang ng maduming EDSA ang nanatili. Napatalsik na ang pinuno. Nawala na rin pati ang pagkakaisa.

Sa kakalasan ng nobelang nilahad, sinabi ng may-akda na dapat ng umaksyon ni Juan Tamad. Kailangan pa umano ng mga Pilipino ang mapuri bago maipagmalaki ang sarili nitong bayan. Walang mapapala ang mga Pilipinong walang ginawa kung hindi ang magsisihan at mag turuan. Kulang ang pagmamalasakit sa bayan, kailangan ng gumawa ng aksyon para masolusyunan ang problema.

Sa pagwawakas ng nobela, sinabi ni Bob Ong:
“Higit sa pakikinig kung ano ang sinasabi, unawain mo kung ano ang ipinapahayag: ‘May problema ang bansa, mangangailangan ito ng tulong mo.’ ‘Yan lang ang simpleng mensahe. Hindi na importante kung may iba kang opinyon, ang importante’y isa ka ring nagmamalasakit.”
Ito ang simpleng panawagan ng libro. Magpakita ng kahit kaunting malasakit para sa naghihingalong bansa. Napakadaling isipin na makakatulong ka, ang problema ay kung paano mo ito maisasakatuparan.

“Samantala, wala pa ring malinaw na lunas para sa sakiting bansa. Walang pumapansin sa nag-aapoy nitong lagnat, at walang gustong magbigay ng gamot.”
Sa tinggin ko, dapat nang tugunan at pagbuhusan ng panahon ni Juan ang kanyang Inang Bayan. Sa bawat pagsikat ng araw sa bagong umaga, kasabay nito ang pag-asa. Pag-asa na uunlad pa ang Pilipinas. Ang kailangan lamang gawin ay gumalaw, paganihin ang utak, at magsilbi ng tama sa bayan.

ESTILO NG PAGSULAT

Sa paggamit ng simbolismo, magaling paglahad si Bob Ong ng kanyang mga gagamiting bagay at sitwasyon para maipakita ang kanyang mensahe. Hindi niya lamang ito naipakita sa librong “Bakit Baliktad”, kung hindi pati na rin sa iba niyang gawa tulad ng “Alamat ng Gubat” at “MacArthur”. Sa yellow book, kapansin-pansin ang pagpresenta ng pabalat nito. Kung titingnan nga naman sa malayo, magmumukha kang tanga dahil nagbabasa ka ng libro ng pabaliktad. At ‘yon mismo ang nais iparating ng may-akda sa kanyang mga mambabasa. Hindi dahil sa magmumukha kang tanga ay hindi mo na babasahin ang libro. Tulad nga ng nabanggit sa introduksyon, nasa mambabasa na kung handa siyang madumihan ang kanyang kamay sa pamumulot.
Sa pagbabasa ng yellow book, madalas gumagamit ang may-akda ng pagwawangis (metaphor). Naihahambing niya ang mga paksa sa isang paraan na malikhain at nauunawaan ng kanyang mambabasa. Gumagamit rin si Bob Ong ng pagmamalabis (hyperbole). Sinasadya niyang lubhang ilarawan ang kanyang mga punto upang manatili sa isipan ng marami ang kanyang mensahe. Bilang isang manunulat, maganda ang kanyang paraan ng pananalita dahil madali itong maunawaan ng marami, bata man o matanda. Labis rin ang paggamit ng pagtawag (apostrophe). Pilit na kinakausap ng may-akda o ng mga manunulat ang mga Pilipinong malay ba nila kung bingi o nagbibingi-bingihan lamang. Kinakausap rin ng mga manunulat ang Pilipinas, na bumangon na ito mula sa kanyang pagkahimlay dahil masarap ang almusal. Ang ironiya (irony) ay ginamit rin bilang pamato sa mga sensitibong paksa tulad ng gobyerno at ng mga tau-tauhan nito.
Sa kabubuuan ng nobela, ang unang panauhang pananaw ang nangibabaw. Ang angulo ng kanilang pagsasalaysay ay hango sa kung ano ang kanilang nakikita. Gumagamit ito ng mga panghalip tulad ng “ako” at “akin”.
Maraming nakakatuwa at interesanteng pangyayari ang nailahad sa librong ito. Tulad na lamang ng love letter na pakalat-kalat ‘di umano sa isang bar. Mahina raw gumamit ng Ingles ang nagsulat nito. Ang kahinaan natin sa Ingles ay maiuugnay sa librong The More the Manyer! ni Elbert Or. Naglalaman ito ng mga clichĂ© at iba pang kasabihan na medyo napagbali-baliktad ng mga Pilipino. Sa isa pang pangyayaring naisulat sa yellow book ay ang paglista nito ng mga kakaibang pangalan ng kalye sa Pilipinas. Sa librong Ngalang Pinoy ni Neni Sta. Romana-Cruz, tulad ng ginawa ni Bob Ong, nailista ang mga kakaiba at kakatuwang pangalan ng kainan, pasyalan at iba pang negosyo. Sa mga artikulo naman na tumatalakay sa pagiging kakaiba ng mga Pilipino sa ibang lahi, ang librong You know you’re Filipino if… ng parehang may akda ng Ngalang Pinoy ang maiuugnay mo. Nilista ng may-akda dito ang mga karaniwang sitwasyon kung saan tanging ang mga Pilipino lamang ang maaaring pumuna.
Sa isang punto, nailahad ng may-akda ang mga mangyayari sa hinaharap kung mangyari man solusyon na iminungkahi. Sinasabing uunlad at mamahalin lalo ng mga Pilipino ang kanyang bayan kung tutulungan nila itong bumangon at magsimula ulit.
Sa kabilang banda, nagpakita rin naman si Bob Ong ng mga flashbacks. Ang pagbabaliktanaw sa mga nangyari sa ating kasaysayan, sa nangyari sa kanyang website, at sa mga nangyari sa mga nauna nang Pilipino na nagtangkang gisingin si Juan.
Ang paggamit ng diyalogo ni Bob Ong ay iba sa lahat ng manunulat na nabasa ko. Gaya nga ng sabi niyang sa isang interview sa dyaryo, lenggwahe ang gamit niya upang maabot ang kanyang mga mambabasa. Ang lenggwaheng gamit niya ay iba dahil sa kanyang kakayahang maipamukha sa mga mambabasa na ganito na ang nangyayari sa kasalukuyan. Mayroon siyang malikhaing paraan ng pagsusulat kung saan naiintindihan siya ng madla at bagkus, nailalahad niya ang kanyang mensahe sa mas marami.

PAG-UUGNAY SA KASALUKUYAN

Hindi maikakaila na maraming bagay na nabanggit sa nobela ang patuloy na nangyayari sa ating bansa ngayon. Ang laganap na graft at korupsyon, ang nakawan sa kaban ng bayan, ang pagturing sa mga kababaihang Pilipino bilang “best buy” at marami pang ‘di mabilang na problema ay patuloy parin na nangyayari sa ating bansa. 2001 ang taon nang nailimbag ang librong Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?. Ngunit hanggang ngayon, taong 2007, ay wala pa ring problemang nasusolusyunan ng gobyerno. Tuluyan na nga bang nakalimutan ng gobyerno ang problemang tinutukoy ni Bob Ong? Tuluyan na bang nagsara ang pintuan para sa pag-unlad? O tuluyan nang tinamad si Juan Tamad?
Bilang isang istudyante, responsibilidad ko ang manatiling updated sa pinakahuling nangyayari sa ating bansa ngayon. Dahil ‘di magtatagal, ang kabataan ngayon ang magtataguyod ng pag-asa. At sana, pagdating ng panahong iyon, bago na ang sistema, hindi na takot ang tao sa pagbabago at insulto.
Sa mga balita ngayon, laganap na ang isyung pagnanakaw ng mga opisyal ng gobyerno sa kaban ng bayan. ‘Di naglaon, nagiging trend na ito, at hindi na isyu. Nagtatanong ang mga mamamayanan, “saan na ba napupunta ang mga pinaghirapan naming kitain? Sa bulsa lang ba ng mga korupt na opisyal?”
Sa mga kaguluhang nagaganap ngayon, tulad ng nangyari sa Makati dahil kay Trillanes, hindi maiiwasang hanapin muli si Pagkakaisa. Nasaan na nga ba siya? Hindi ba’t dapat nasa presensya siya parati? Ang pagbawi ni Trillanes ng kanyang suporta kay PGMA ay isang napakababaw na dahilan para pagsimulan ng coup. Nangyari na ito noon, bakit hinahayaan pa ulit nilang mangyari ito ulit ngayon? Mas lalo nilang pinapatunayan na wala tayong malasakit sa kapwa natin Pilipino at umiiral sa atin ang Crab Mentality. Ngayon, nagkaroon nanaman ng isang halimbawa sa ugali ng mga Pinoy na “pagboto sa presidente sa eleksyon at pagkatapos ng isang taon, ilalalaglag ka namin sa pwesto.”
Hindi nakapagtatakang mawalan na nga ng tiwala ang mamamayanan sa mga pinunong kanilang niluluklok. Tulad nga ng nabanggit sa libro, tuwing eleksyon lang lumalabas ang kanilang pagkabukas sa mga Pilipino, marahil nga, dahil boto lang ng mga botante ang habol nila. Kung kailan tapos na ang bilangan, naubos na ang pera ng mga kandidato at nililipad na lang ng hangin ang mga flyers at streamers nila, doon palang lalabas ang kanilang tunay na kulay. Dahil dito, nawawalan na ng tiwala ang mga bumoto sa kanya. Hinihila na sila pababa ng mismong mga nagpa-angat sa kanila.
Tungkol naman sa artikulong The Starbucks Principle ni Nick Garcia, bilib ako sa paglalahad ng nasabing manunulat. Sa isang tonong seryoso na kapag binasa, naiintindihan at nauunawaan ng marami. Nahuli ni Garcia ang kahinaan natin mga Pinoy pagdating sa usapang Starbucks. Kapag bumisita ka ngayon sa mga café ng Starbucks, makakakita ka ng mga kabataan na tumatambay sa tabi ng bintana at nakikipagharutan kasama ang kanilang mga barkada. Hindi nabigo si Garcia ng sabihin niyang:
“Pathetic as it is, the Starbucks atmosphere is so contagious that it simply brings out the social climber in one.”
Totoo nga naman. ‘Pag sinabi mo kasing Starbucks, sosyal na agad ang una mong maiisip. Hindi na lang basta basta kapehan ang Starbucks ngayon. Ginawa na siyang relihiyon ng marami, kung saan hindi sila mabubuhay kung wala ito. Naging parte na ito ng buhay ng marami sa atin na kung minsan ay dumarating na sa puntong ibibigay mo na ang lahat, makakuha lang ng naturang kape. Makawala lang sa isipan ang problema nating mga Pilipino:
“…Starbucks has gone beyond colonial mentality; it has become pure escapism. It helps us forget about the EDSA traffic jam, the hostages in Mindanao, and the decreasing popularity of Erap. In this age of harsh realities of poverty and chaos, anything that offers oblivion and temporary indulgence sells fast. No matter how costly it is.”
Pera man ang problema nating mga Pilipino, ay hindi ko rin alam. Natatak na sa atin na para maka-ahon sa hirap, kailangan mangibang-bayan. Ngunit, ‘yun nga lang ba ang solusyon? Sabi nga ng isa kong kaklase, hindi na raw sa araw umiikot ang mundo ngayon—sa pera na.

Gising na Pilipino.
Hindi sa lahat ng oras ay may pupuna sa mga kakulangan mo bilang mamayanan.

2 komento:

Eych ayon kay ...

pilipino ako.

sapat nang dahilan yun para magkasrtron ako ng pakialam sa bansa ko./

Eych ayon kay ...

pilipino ako.

sapat nang dahilan yun para magkaron ako ng pakialam sa bansa ko.