Sabado, Marso 19, 2011

Ang Tunay na Sining ng Pagtula

Paghahanda: Ika-5 ng Pebrero, 2011 RICAFRENTE, LEO B.
Reaksiyong Papel
Filipino 214
PALABAS AT PALOOB: TAMBALANG MUKHA NG PAGTULA
ni Virgilio S. Almario (http://www.facebook.com/notes/rio-alma/palabas-at-paloob-tambalang-mukha-ng-pagtula-ni-virgilio-s-almario/468474210753)

Ang Tunay na Sining ng Pagtula

Ang paguuri-uri ng mga tula at mga paraan ng mismong pagtula mula noon at ngayon ay hindi maitatatwang napakadaling gawain sa isang gurong bihasa na sa larang ng panitikan, higit lalo na kung siya ay sadyang magaling na sa panulaan.
Madali ring sabihin kung ano ang kaibahan ng isang bagay sa isa o iba pang bagay, tulad na lamang kung pag-uusapan ang pagkakaiba ng Balagtasismo sa Modernismong pagtula. Ito ay sa dahilang naiiba ang anyo ng isa sa isa; sa dahilang nagkakaiba ang mga ito sa persepsiyong ibinibigay sa lahat ng antas ng pagkatuto, sa pagpapahalagang pampanitikan at sa kaangkupan ng mga konsepto at konteksto nito sa tunay na kaganapan ng buhay.
Gayunpaman, ang ganitong perspektibo ay patagong sumisikil sa tunay na pag-unawa sa larang ng panulaan. Kinakain nito ang natatanging pagkiling sa retorikal na layunin ng pagtula. Tuloy, ang pang-unawa sa kung ano ang dapat unawain ay naisasakripisyo.
Ngayon, ang mahalaga ay hindi sa kung ano ang mas maganda, hindi rin sa kung ano ang paraan ng pagtula, kung ito ba ay paloob o palabas; lalong hindi rin sa kung ang isa ay sobrang matulain o nananaktak sa kabulgaran ng pagtula at kawalan ng pigil sa pagpasok sa nanunubok na punla ng magulong isipan ng tao. Ang higit na mainam pagtuunan ng pansin ay ang epektong dulot nito sa isip, damdamin at sa kaasalan ng isang nilalang na masaklaw ang pagkaunawa sa buhay at imahinasyon na resulta ng magulong pamumuhay. Ang mahalaga ay ang kaisahan nito sa layunin sa pagpapagitaw ng kapaki-pakinabang na kahulugan at bisang pangkatauhan. Dahil ang tula ay walang pinipiling panahon at dimensiyon. Ito ay subok na pumpon ng katalinghagaan na kinakailangan lamang sisirin ng balintunang kaisipan at paniniwala.
Sang-ayon na rin sa paglilinaw at nagsilbing panawagan ni Virgilio S. Almario sa tunay na mukaha ng pagtula:

Una, nais kong linawin ang hindi ko natukoy noong haka na ang pagtulang palabas at ang pagtulang paloob ay dalawa’t kambal na malikhaing tunguhin sa pagbuo ng tula. Ikalawa, at mahigpit na kaugnay ng una, magkasabay itong sumupling at nilinang sa katutubo’t sinaunang panulaan ng Filipinas. Sa gayon, at ikatlo, hindi wastong ituring na tradisyonal ang isa—ang palabas; at makabago ang ikalawa—ang paloob. Lumitaw na gayon ang aking paraan ng pagtingin sa dalawa bunga ng naganap na diin sa pagtulang palabas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, na ipinagpatuloy ng mga Balagtasista sa unang bahagi ng ika-20 dantaon, at nasalungat lámang sa higit na pagsandig sa pagtulang paloob ng mga Modernista. Kaugnay ng mga paglilinaw na ito, nais kong ipanukala ngayon ang magkaagapay na pagsasaalang-alang sa mga katangian ng dalawa habang sinusundan ang development ng mga ito sa kasaysayan ng panitikan ng Filipinas. ( Almario, 2010)

Walang komento: