Martes, Enero 29, 2008

Paano magsulat ng isang tula mula sa pagkakatulala?

Ehersisyo para sa Panulaan : Tula La

Pinapamagatan kong "Tula La" ang Ehersisyong ito. Naglalaro ang pamagat sa dalawang konsepto o diskurso: ang konsepto ng tula o pagtula at ang diskurso ng tulala o pagtulala.

Ang tula o ang sining ng pagtula, ay hindi lamang pagpili ng mga salita (na kadalasang dapat "maganda" ayon sa pinong estetika ng high art at formalist school of poetry). Ito ay pagpili ng tema -- pagsala ng isang karanasan upang iugnay sa mas malawak na konteksto. Ang karanasan o kahit na anong bagay na pinipili natin para gawing tula ay maituturing lamang na teksto. At mismong ang tula ay isang meta-teksto, dahil kailangang isaalang-alang na ito ay may malaking kontekstong pagpupuwestuhan.

Kapag nakapili na ng tema, ang proseso ng pag-aanak ng tula ang susundin. Dito pumapasok ang tinatawag kong "Sining ng Pagtulala." Kailangan nating tumulala. Pero bago ko ituloy ang naratibong ito, lilinawin ko muna ang ibig sabihin ko sa "pagtulala" o "tulala." Naranasan n'yo na bang tumulala? Yung naka-blank stare ka lamang. Yung kahit napakaraming ingay o napakalalim ng katahimikan, kahit na yung katabi n'yo na pala ay naghuhukay na ng sarili niyang libingan ay hindi n'yo napapansin. Kasi nga tulala ka. Ibig sabihin, nakatitig sa kawalan, kahit na sa totoong buhay ay wala namang "kawalan" dahil kahit ang "kawalan" ay isang manipestasyon ng "mayroon." Naranasan n'yo na ba yun? Malamang sa malamang.

Kapag nakatulala tayo, ibig sabihin noon mayroon tayong iniisip. Kadalasan, sa idioma, "malalim ang iniisip." Kaya kahit nasasaling ka na o kaya nadudukutan na pala ng pitaka o cellphone ay di mo napapansin. Kasi nga, wala roon ang atensyon mo. Samakatwid, ang pagtulala ay isang mabisang ehersisyo ng "atensyon." Isang mabisa't epektibong konsentrasyon ng isip. Samakatuwid, kailangan n'yong tumulala para makagawa ng tula.

Ganun ang gagawin n'yo. Magbibigay ako ng ilang salita: maaaring bagay, tao o lugar. Magbibigay rin ako ng ilang mga konsepto: maaaring karanasan, penomenong panlipunan, institusyon o kaligiran. Ang tungkulin n'yo: pagsanibin ang mga ito. Ang layunin n'yo: bumuo ng meta-texto: ang tula.

Heto ang mga salita. Pumili lamang ng ISA:
1. sintas ng sapatos
2. puwet ng baso
3. sidemirror
4. maitim na singit
5. pilikmata
6. janitor
7. deodorant
8. balcony ng sinehan
9. numero "29"
10. letrang "Q"

Heto ang mga konsepto. Pumili lamang ng ISA:
1. Hacienda Luisita Massacre
2. Tsunami
3. Kayabangan
4. Galit
5. Kapayapaan
6. Kaguluhan
7. Karahasan sa Kababaihan
8. Homophobia
9. Illegal Logging
10. National Minority (Indigenous People)

Gumawa ng tula sa pamamagitan ng pag-uugnay sa napili mong isang salita at isang konsepto. Ang tula ay dapat binubuo lamang ng WALONG LINYA. Ipapasa sa Lunes, Enero 24 (para sa Fil 2: Panulaan).

Walang komento: