Huwebes, Disyembre 17, 2009

Ang Penomenolohiya ng Pagsakay at Pagbaba ng Jip

Ang Penomenolohiya ng Pagsakay at Pagbaba ng Jip

Likas na sa tao ang pagsakay at pagbaba ng jip – lalo na nating ng mga Pinoy. Ito rin ay maituturing ng isang kagilagilalas na karanasan ng karaniwang tao na tulad ko. Ito ay sadyang makamasa.

Mas pinili kong simulan ang aking pagtalakay sa kung aking tawagin ay Ang Penomenolohiya ng Pagsakay at Pagbaba ng Jip. Sana makatulong. Nawa’y gumana ang mga pandama ng sinumang makababasa nito.

Ang tao ay sumasakay sa jip, umuupo at sumasandal sa sandalan upang makarating lamang sa destinasyon sa kaunting pagod at panahon. Sa buhay ng Pinoy, lalo na pagdating sa pag-upo at pagsakay sa jip, marami tayong nagiging karanasan habang hinihintay ang pagsapit ng sasakyan sa ating mga paroroonan. Sa isang anak ng masa na taong tulad ko, nakasanayan ko na ang pagrerelaks nang naka-shades habang nakikinig sa mga rap music o kahit anong hit songs mayroong nakaimbak sa memorya ng aking cellphone, o ‘di rin naman kaya’y sa mga kantahing lagging iniere mula sa mga estasyon ng radyo (radyo na nasa sasakyan)...kung mayroon man. Kahit nga ang pagkakaroon ng mga kapasahero na kung mag-usap ay para bang walang ibang kasamang iba...tsismisan ng kung ano-anong walang kapararakang mga kwento-kwento. Isang karanasan din ang makakita ng isang gentleman. na tulad ko, ‘yung tipong pauunahin at alalayan ang isang tsikabeyb pagsakay ng jip at mauuna syang bumaba ng jip para alalayan ito.. Talagang sobrang cheesy... sweet!

Naririyan at maaalintana rin ang napakaraming tao na nagtatakbuhan, nagkakandasingitan o nagsisiksikan at nagmumurahan, kung minsan pa nga, basta’t makasakay lamang. Totoo’t sadyang napakahirap sumakay, hindi ba? Ang mga bagay na ito ay ‘di na nararapat pang patunayan upang masabi lamang na nangyayari nga ang mga ito.

Naranasan ko na rin, sa minsang muli kong pagsakay, ang katayuang ako’y nagmistulang nakatayong asong gutom na parang dumadausdos pa sa kakarampot na aking inuupuan. Nariyan din ang sitwasyon kung saan biglang mapadaan pa sa isa o higit pang mga malulubak na parte ng daanan ang aking sinasakayang jip, nang muntikan na akong mahulog. Kung talaga nga namang minamalas! Madalas akong madulas sa aking kinauupuan ngunit pikit-mata ko na lamang na sinasakmal ang hawakang bakal habang nanginginig at nangangatog na ang aking paa’t mga tuhod. Namimitig na ang aking braso. Ayoko na, nasambit ko minsan sa sarili. Pagdating na pagdating ng AdNU Ave., bababa na ako! Hindi ko na talaga kaya...

Nabubuwisit din ako sa mga drayver kung bakit humahagibis o parang lumilipad ang kanilang mga sasakyan kung magmaneho. Nakikipagkarera. Kung madalas ay nakikipag-unahan sa pagdampot ng mga inaasahang pasahero.

Ngayon, heto ako’t nakasakay na naman ng jip. Tulad ng dati, sardinas na naman ang loob nito. Halos magkandaugaga na ang lahat...nagkakandahalo-halo na rin ang iba’t ibang amoy...May halong halimuyak at yaong amoy na di ko waring maipaliwanag at masikmura.

Isa pa, ayaw na ayaw ko rin sa isang drayver ang pagkakaroon ng alanganin na kapasidad ng pagmamaneho – napakabagal kung iisod ang jip, animo’y may patay na kailangan ng maluhang pagdala nito sa huling hantungan. Ayoko na, nasasambit ko minsan sa sarili. Pagdating na pagdating ng AdNU Ave., bababa na ako! Hindi ko na talaga kaya...



Ang Penomenolohiya ng mga Pagbabago sa Wika

Tulad ng sa jip, hindi na rin bago sa akin ang mapasakay sa anumang usaping pangwika. Minsan nga, parati kong iniuugnay ang kalagayan ng ating wika sa kasalukuyang kalalagyan ko ngayon – pagod na!

Ang kalagayang ito ay puwedeng maihalintulad sa popular na pahayag na “UTOS ng HARI, HINDI pwedeng MABALI!” Ito ay para bang kalikasan na ng buhay nating mga Pinoy...(nating mga tagapagsulong ng wika) sa simula’t sapul pa lamang – na hindi mapupuwedeng husgahan ang isang bagay na ipinatutupad ng isang lehitimong sangay pangwika ng gobyerno; na kung tutuusin sa bandang huli ay babaguhin o babawiin lang naman ang ninais na batas sa ating wika. Napakarami ng mga kautusang pangkagawaran ang nagsipaglabasan. Ang mga kautusang pangkagawaran na ito’y para sa umano’y pagbabago at ikasusulong ng ating pambansang wika – mapagamit o mapatuntunin man sa gramatika. Ang mga kautusang ito ay ating tinanggap, sinunod at sinakayan upang lubusan lamang na maipatupad. Subalit narito na naman ang isa pang kautusang dapat daw ay puspusang masunod.

Kung pagbabatayan rin lamang ang bilang ng kautusang pangkagawaran ng DepEd hinggil sa GABAY SA ORTOGRAPIYA NG WIKANG FILIPINO, mapapansin natin na pang-104 na ang nasabing kautusang ito, sa loob pa lamang ng taong 2009. Kung kaya maraming tanong ang nagsulputan: May susunod pa kaya dito?, Ilan pa kaya?, at Hanggang kalian kaya? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga tanong na mahirap nating bigyan ng daglian at tumpak na kasagutan. Siguro kung susumahin lahat-lahat ang kabuuang kautusang pangkagawaran na naipalabas na nga DepEd simula’t sapul pa noong ito’y DECS pa lamang, marahil halos nilibo na.

Sa mga karanasan ko bilang guro, kung iuugnay ang lahat-lahat ng aking mga karanasan sa pagsakay ng jip, hindi ko rin kailanman mapupuwedeng sabihing hindi mainam ang kasalukuyang nagiging bunga ng nasabing kautusang pangkagawaran hinggil sa katuparan ng mga tunguhin at reporma sa wika. Sa totoo nga, lubos ko itong ipinasasalamat dahil ito ay nakabubuti. Ngunit ang tanong: Hanggang kailan? Magiging pangmatagalan ba o huling-huli na kaya ito? O baka naman, ang pagsulong at pagpapalawak ng kabatiran ukol dito ay maging ningas kugon rin sa bandang huli...sa ngayon tanggap na tanggap natin; baka bukas ay balewala na...at parang wala lang! Parte pa kaya ito ng lubak-lubak na sistema ng pagbabago? Sana, ang ganitong pagbabago ay isa ng maituturing na makabuluhan at may katumapakan.

Sa wakas, sana ang kahilingan sa daglian at malawakang pagpapalaganap nitong memorandum nawa’y masakayan na ng masang Pilipino.

Sana, ‘di tulad ng mga drayver ng jip na nakasalamuha ko na dati at yaong mga jip nila na masasakyan ko pa ‘ata, nawa’y maging maayos na na magampanan nating lahat (‘di lamang ng mga pinuno ng Komisyon sa Wikang Filipino) ang mga tungkuling huhubog sa magandang tunguhin ng ating wika.

Sana, ‘di tulad ng aking mga nagiging karanasan sa pagsakay ng jip, nawa’y maging ligtas ang ating pagbiyahe sa patuloy na pagsulong ng ating wika.

Sana, ligtas tayo sa ating pagpara at pagbaba. Ligtas, sa dahilang hindi tayo mabubuwisit sa ating mga naging karanasan. Sa halip ay maging kasiya-siya... ‘yung tipong may isang taong pauunahin at alalayan ang isang kapuwa pasahero sa pagsakay ng jip at mauuna syang bumaba ng jip para alalayan ito.. Yaong talagang sobrang cheesy... sweet!

Sana, ‘di tulad ng sa jip, nawa’y ang kalakaran ng ating pagpasada sa pagsulong sa wika ay maging maganda. – pasadang walang halong sobrang hagibis o ‘di kaya’y sobra namang bagal. Dapat tama lamang.

Sana, hindi ko na kailanman malagay sa aking kabuuan ang lubos na paghihinayang.

Sana, di ko na masabing Ayoko na! Pagdating na pagdating ng AdNU Ave., bababa na ako! Hindi ko na talaga kaya...!

Sana!

Walang komento: