Paghahanda: Repleksiyong Papel Ika-9 ng Enero 2009
Modernisasyon ng Filipino: Pagbabago sa Gramatika FILIPINO 210 – Estruktura ng Filipino
Ricafrente, Leo B.
Kamalayan sa Modernisasyon ng Filipino ng Modernong Filipino
Tunghayan muna natin ang ang isang tula ng kasaysayan ng ating di-matapos-tapos na usaping pangwika na siyang lunsaran ng aking pagtalakay.
MakaBrawn
Halos matagal-tagal na ring magkasama
Na higit pa sa magkapatid
Sina Panlapi at salitang-ugat
Nang naisipang magsarilinan
Sabay ang pag-usbong ng kani-kanyang pamilya.
At doon nagsimula ang unang simula…
Nang may-anak na si Panlapi kay Kayumanggi
Ang napiling itawag sa supling ay “Maka”
Naaliw rin ang morenang si Ibangkulay
At sumunod ang pagkarinig ng unang mga iyak ni Brawn.
At doon na nagsimula…
Sa mga tuksuhan ng dalawang magkatoto
Pagtataas ng mga anak ang laging laman ng usapan
Dun din nagsimula ang pagkakaibigan nina Maka at Brawn
At dun din nagsimula…
Nang sumunod pang mga araw
Namukhaan ang mga nagiging bunga
At hanggang pa sa mga sumunod na sesyon ng kanilang pag-eskwela
Tila halos pareho kinakawawa
Ang gawing magsama sa iisang asignatura ay di magawa
Ang gawing magkaklase’y mas lalo na
Ang isa ay sa umaga at ang isa naman ay sa gabi
Walang pagkakataong magkuwentuhan man lang.
Nagkaroon ng matinding halalan napilitan ang dalawang maglaban
Si Maka ang dapat maging pangulo, ang sabi ni Escudero
Hindi, si Brawn ang siya nating ibuto, sabi naman ni Arroyo
At dun nagsimula ang kinatatakutan. Lumala…
Sa araw nang banggitin ang kandidatong nanalo
Si Brawn, Brawn, Brawn ang uupo sa trono. Mabuhay!, ang sabi ni Datu.
Namarka sa isipan ni Maka ang panggigipit ni Brawn
Pagbubuhat ng sariling bangko ang napagtripan
Ang kaibigan ay siya nang itinatanggi’t tinalikuran
Kasama pa ang panunukso ng mga klasmeyt nilang sina Gitling at Pang-ugnay!
Darating din ang araw ng pagababalik
Bigat sa dibdib ay tuluyang maiwawaksi
Magkakasundo ang dalawa sa muli:
Di dapat natin hayaan ang ganun, sabi ng isa.
Oo nga, ang sambit naman ng kabila.
Di na hahayaan na si klasmeyt na Gitling at kanyang mga katropa’y muling mapagitna
Simulang ibalik ang MakaBrawn at di Maka-Brown…
Malamang, mula sa iyong pagbabasa, na kahit papaano, ikaw ay may naunawaan na sa naging at nagiging kalakaran ng ating wikang Filipino. Malamang din ay unti-unti mo nang nasasaksihan ang mga pagbabago sa sistema ng edukasyon sa ating lipunan – pagbabagong dala mismo ng makabagong pamumuhay at modernisasyon sa lahat ng aspekto sa buhay.
Malamang din ay mahahalintulad mo ito sa mga karanasan ng mga kabataang Filipino sa kontemporaneong panahon. Kung pag-uusapan din man lamang ang karanasan nila o ng isang tinedyer sa unang araw ng pasukan, kadalasan ay mahahalatang bago ang suot niyang uniporme at sapatos, at itinapon niya na ang luma; kung hindi man naipasa na sa nakababatang kapatid, marahil.
Dahil isa ka rin na dumaan sa buhay-tinedyer, sa pagtuntong mo pa lamang sa mataas na paaralan, sa isang banda, may mga sinusuot kang bago, at may itinatapon kang mga luma. Tulad na lamang ng mga magagandang asal na naiukit na sa ating kultura at tradisyon, na sa kasamaang palad ay unti-unti nang nawawala. Wala na ang dating masuyong pagbati, matipid na ngiti at tahimik na tango na lamang ang siyang mapapansin.
Hindi ko rin maikakaila na ako’y nagumon sa bungad at impluwensiya ng bagong uso at bagong kalakaran. Kung uso ang may kulay ang buhok, karamihan sa mga kabataan ngayon ang nagkukulay rin ng buhok. Para sa kanila, kung ano ang uso ay siyang may dating at kung sinu ang siyang may laging bago, siya ang mas in. Kung tutuusin, kailangan lamang pagmasdan ang itsura ng tinedyer ngayon, para malaman kung ano ang bagong uso, ang bagong kalakaran.
Sa kabilang banda, mataas ang pagkagulat natin sa mga matatandang sunod rin-sa-uso ngunit hindi naman bagay. Isipin na lang ang isang lola mong naka-rubber shoes na pambasketbol – high cut pa; o ang isang lolong nag-i-internet at nagpapadala ng kung ano-anong bagay mula sa kanyang friendster, facebook o twitter accounts…hindi ka kaya niyan mabigla?
Bilang mga guro, sa mga bagay na ating natunghayan, kinakailangan lamang na harapin natin ang mabilis na pagbabagong nagaganap sa ating paligid na dulot ng globalisasyon at modernisasyon. Higit kanino pa man, kapansin-pansin na ang mga kabataan, ang ating mga mag-aaral ang mabilis na nakaaasimila ng mga pagbabagong ito. Subalit hindi ito dapat na mangahulugan ng ating pagpapabaya sa kanilang pagpasok sa daigdig na ito nang wala ang ating patnubay. Tayo na kabilang sa mahahalagang salik ng kanilang pag-unlad at bilang mga edukador ay hinihinging tumugon sa pagbabagong ito. Sa pamamagitan ng ating pakikisangkot sa diwang ito ng globalisasyon, hindi tayo mapag-iiwanan ng makabagong kaisipang hatid ng mabilis na globalisasyong ito- lalo na sa mga pagbababago sa kalakarang pangwika.
Ang pagbabago ng sistema sa edukasyon, lalo na sa kinakailangang kalakaran ng pagtuturo’t pagkatuto gamit ang makabagong wikang Filipino ng makabagong Filipino, ay isang maituturing na epektibong tunguhin na siyang umaagapay sa pagbabagong hatid ng nagbabagong panahon at pangangailangan; siya nagiginng konkretong manipestasyon ng ating pagpapahalaga sa nagaganap na kalakaran ng buhay.
Isa pa, hindi masama na mahalin din natin ang ating pangatlong wika, ang wikang Ingles. Dahil ito rin mismo ang nagsisilbing patunay na wala tayong kinakatigan sa kung anong wika ang ating dapat alalayan sa rurok ng makabagong lipunang Filipino –kaalinsabay ng pagkakaroon ng mga makabagong kabataan. Ang wikang Ingles ay tulad din ng wikang Filipino- sabihin man na mga wikang isinilang sa magkaibang lipunan ngunit, ang katotohanan, sa iisang pamilya lamang ang mga ito nag-ugat at pareho angkanilang pinakalayunin sa buhay – ang makatulong sa mga taong tulad natin, o sa kahit ano pa man sa kahit anumang paraan.
Ang mainam na hakbangin na dapat tandaan at pasimulan ay ang maging simula ng pagbabago. Sabihin man na ang pagbabagong ito ay sa paraan at sa pananaw natin sa pagtuturo ng Filipino, o sa lokal man o global na perspektibo, mahalagang isaisip na ang wika ang siyang hihimok upang maging awtentiko ang anumang simulain sa buhay ng isang tao at sa kanyang hinaharap. Kaya bilang mga gurong may kamalayan sa kinabukasan, sikapin nating maging tanglaw ng mga pagbabgong ito at laging isasapuso ang pagiging Liwanag sa Dilim ng ating lipunang Filipinas:
Ituring ang iyong sariling Tagahawi ng ulapSa kalangitang kulimlim Kampanang yayanigSa bawat nilalang Magigising ang lupangKulang sa dilig
Ikaw ang magsasabing
“Kaya mo to!” Tulad ng isang tanglaw Sa gitna ng bagyo Isigaw mo sa hanginTumindig at magsilbing Liwanag,
Liwanag sa Dilim!
Harapin mong magitingAng bagong awitin Ikaw ang Liwanag sa DilimAt sa paghamon mo Sa agos ng ating kasaysayanUukit ka ng bagong daan
Ikaw ang aawit ng”Kaya mo to!”Sang panalanginSa gitna ng gulo
Rivermaya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento