Paghahanda: Reaksiyong Papel
Pagtuturo ng Wikang Filipino
Ni Lydia B. Liwanag
FIL 212: Paraan at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Filipino
Ricafrente, Leo B.
Banyuhay sa Pagtuturo
Think global, act local…
Ang pahayag na ito ay nagsisilbing gabay sa akin bilang guro sa wika, lalung-lalo na bilang mamamayan nitong bansa upang pagbutihin ko pa lalo ang akin nang nasimulang adhikain sa buhay – ang makapaglingkod sa aking mga kababayan sa pamamagitan ng aking katutubong wika at wikang Filipino, sa aspektong pampagtuturo.
Ngunit, bakit sa biglang malas, ang anumang hangaring tutulong sana sa paglutas ng ating suliraning pangwika ay patuloy na napipigilan ng mismong hangarin natin ng pagsulong at pag-unlad…ng ating makamundong pananaw sa pagbabago. Ang masama pa, ang ganitong iral ng ating paniniwalang pangwika ay nagpapalubha at nagsasadlak mandin sa atin sa tinatawag na lingguwistik paralysis.
Anupa’t bakit hindi tayo nababahala sa ganitong uri ng namamayaning kapalaran. Sabihin man na mahusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa, hindi pa rin mapasusubalian ang ganitong pagpapalagay kung ang mismong ating sistema ang siyang may problema. Subalit kapag nagumon na tayo sa ganitong kamalayan, balewala na ang anumang bagay na nasimulan. Mananatili pa ring mababa ang kalidad ng pagkatuto ng ating mga kabataan. Magiging mabababaw pa rin ang kanilang pagpapahalaga sa klase ng lipunan at kultura mayroon tayo. Ang masama pa’y babagsak ang ating bansa, kung magkagayon.
Ang Filipinong Wika ay sumapit na;
Ngunit ang Filipinong tao ay hindi pa…
Ang isa pang pahayag na ito ay nagsisilbing palaisipan sa atin kung nasa-saan na nga ba talaga ang ating wika, kung ang globalisasiyon na ang pag-uusapan? Saklaw na nga ba talaga nito ang tinatawag nating modernisayon, estandardisasyon, at intelektwalisasyon ng wika sa ating pagtuturo; maging sa pangkalahatan ng kalakaran ng buhay nating mga Pilipino?
Marahil, ang katanungan na ito ay ilan lamang sa mga bagay na laging umuukilkil sa ating sariling sistema. Ganumpaman, ang anumang kasagutan ay hindi madadaan lamang sa panay salita. Ito ay tunay at tiyakan lamang na mapupunuan mismo ng ating puspusan at makabansang pagkilos at paggawa; walang ibang gagawa nito kundi mismong tayong mga Pilipino, hindi ba? Wala ng iba. Pakaunawain na ang makabulugang pagbabago ay magsisimula sa atin, dahil tayo mismo ang siyang pagbabago.
At Sa panig ko, bilang guro, ang mainam na hakbangin na dapat pasimulan at gawin ay ang maging simula ng pagbabago. Sabihin man na ang pagbabagong ito ay sa paraan at sa pananaw ko sa pagtuturo ng Filipino, o sa lokal man o global na perspektibo, mahalagang isaisip na ang wika ang siyang hihimok upang maging awtentiko ang anumang simulain sa buhay ng isang tao at sa kanyang hinaharap.
Ang simulaing ito ay ang siyang mismong ating kamalayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento