Huwebes, Disyembre 17, 2009

Maikling Kuwento

Paghahanda: Maikling Kwento
FILIPINO 211– Malikhaing Pagsulat
Ika-27 ng Nobyembre, 2009
Ricafrente, Leo B.


DUGO SA DIARY PAGE


Tirik na tirik na ang araw nang mamalayan ko na namang kailangan ko na palang umuwi ng bahay upang tingnan at dalhan ng makakain ang aking lolang matagal-tagal na ring may-sakit.

Nang mga sandaling yaon ay di ko na alam kung ano na ang mas nararapat na aking unahin. Ang lola ko bang may-sakit, na marahil bagot na sa kahihintay sa akin para lamang sa maiuuwi kong isang supot na kanin at ilang piraso ng tuyo? O ang mga paninda kong kakanin na halos di pa nga nababawasan?

Hindi ko na alam ang aking gagawin ng mga sandaling yaon. Gustuhin ko mang manghatak ng ilang mga nagdaraang kustomer ay di ko man lang magawa, sa dahilang baka ako pa ang malagay sa alanganin.

Sa halip na makabenta siguro’y matampulan pa ako ng kung anu-anong panlilibak at paninisi ng mga nagdaraan. “Baka mapagkamalan pa tuloy ako nilang isang kriminal na miyembro ng isang kilabot na sindikato. Ang mapagkamalang isang kawatan at tuluyang manahimik at mawalan ng buhay sa malamig na rehas na bakal; na nasa may di lamang kalayuang estasyon ng pulis. Ayaw ko pa namang makalaboso. Dahil hindi ko kailanman hinangad ang malugmok sa ganun. May iniingatan yata akong kurso sa kolehiyo!”

Halos manlimahid na ako sa sobrang init ng panahon yaon. Dagdag pa ang sobrang bahong usok na binubuga ng mga nagdaraang mga sasakyan na parang nagkakandahahabulan sa kung anong pagmamadali. Hindi na rin magkandaugaga ang ilan sa mga kasamahan kong tagatinda lamang ng mga kakanin sa may bangketa. Tulad din nila akong matagal nang siphayo sa karukhaan.

Di ko tuloy namalayan na hindi pa pala ako nabibili ng pagkain para sa pananghalian namin ng Lola Inggay.

Ngunit ilang sandali pa’y may kung anu-anong mga putok ng baril ang aking narinig. Halos umalingawngaw ang mga itong sabay sa ingay ng mga serina ng nagdaraang mga sasakyan. Galit na galit na nga ang ilang mga drayver sa biglaang trafik na naging resulta nga ng nasabing sunod-sunod na putok ng baril. Dagdag pa ng mga ososero’t osesera.

“Kawawa naman.” ang sabi pa ng ilan sa kanila.

Hanggang sa...

Bang! Bang! Bang!... sunod pang mga putok ang kumawala sa kalawakan...

“Tarantadong bata ka! Pinahirapan mo pa ako!

Paulit-ulit ko yung narinig...sabay nang sumunod pang mga putok...

Hanggang sa may bumulagta.

Hayun pala’t may isa na namang batang isnatser ang nakahandusay sa may kalsada. Kitang-kita ko kung gaano naging karumaldumal ang nangyari sa nasabing bata.

Noon ko nalaman na Romel pala ang pangalan ng kaawa-awang bata..

Nalaman ko rin na anak pala ito ng isa sa aking mga kapitbahay na naninirahan din sa iskwater.

Gabi na nang ako ay makauwi sa amin. Halos masakit na ang aking mga kasukasuan at buong kalamnan sa buong araw na pagtitinda. Salamat dahil kahit papaano’y may nauwi pa ring kaunting benta.

Laking pasasalamat ko rin dahil kahit di ko nagawang makauwi ng bahay ng katanghaling yaon ay may nagkusang-loob para hatiran ng makakain ang aking lola.

May nagbigay pala sa kanya ng isang tasa ng mainit na kape at piraso ng pandesal. Kaya lamang, hindi masama na ang pagkain palang yun ay bigay pa raw ng isa sa aming mga kalapit-bahay. Papaano ba naman kung ang layo ng lalakarin mo ay mula pa Quiapo hanggang Payatas. Di ka kaya nyan manlumo.

Hay, naku! pagod na pagod na ako. Ngunit teka lang. Tila nawala ang kapagurang yaun nang nakuha ng aking atensyon ang isang burol.

Wala akong nagawa kundi pansamantalang nakiusyoso... nagtanong-tanong kung sino ang nabuburol. Hindi nga ako nagkamali nang ang makita kong nasa loob ng kabaong ay ang batang binaril ng pulis kani-kanina lamang.

Walang kaabog-abog akong lumapit sa isang aleng nakatingin sa salamin ng kabaong na tila kayayari pa lamang na gawa sa simple’t mga pinagdamutang piraso ng pawid. halos nalumo ako. Pilit ko mang pigilin ang aking pag-iyak ay di ko nagawa. Tumulo ang aking mga luha. Sa pag-iyak na iyon ay karamay ko ang isang matandang katabi ni Aling Rosa, ang ina ng namatay.

Matagal-tagal din akong nakiluksa.

Ngunit hindi nagtagal...dumating ang araw ng libing. Marami sa aking mga kapitbahay ang di rin nakalimot upang dumalo at makiramay....

Sa pagsama ko sa isang oras na paglalakad papuntang sementeryo ay napansin ko sa di kalayuan ang isang matandang tumatawa sa gitna ng malakas na ulan. Tila ito’y di walang pakialam sa aming pagdaan...

Marami ang nagbulong-bulungan hinggil sa nasabing matanda...

Nariyan din ang isang lalaking sumasayaw ng pandanggo sa isang di kalakihang bahay-pahingahan.

Ang sabi ko nga sa sarili ko ng mga panahong yaon, “Wala man lang hiya at kaunting respeto ang lalaking ito...di man lang kami nakita...alam na ngang may patay na dumaraan ay sayang-saya pa rin sa kasasayaw!...walang bahid man lang ng pagkaawa...talagang manhid. Ang masama pa, sa halip na hinaan nang kaunti ang volyum ng kanyang radyo ay tila ata nang-uyam pa...nilakasan pa lalo ito na parang walang pakialam.

Sa pagdating sa huling hantungan, wala man lang ni isa ang may bahid ng kasiyahang mapupuna. Halos lumakas pa ata ang buhos ng ulan...



Ngunit, sa mga huling sandali nang ipapasok na ang kabaong sa nitso ay may biglang bumalikwas ng paghikbi sa likuran ng isang maliit na kapilya, malapit sa paglilibingan...

Dala niya ang isang bagay na di ko lubusang napuna...isang pahina ng diumano raw ay pahina ng isang diary...ang matindi pa’y may bahid ito ng kanyang dugo.

Agad iyak.

Agad tawa.

At sabay alis.

Ngunit bigla kong naitanong sa sarili ko ng mga sandaling yaon:

Bakit niya iniwan ang pahina ng diary na yun sa may ibabaw ng kabaong?

Walang komento: