Huwebes, Disyembre 17, 2009

Ang Masining na Pagsulat ng Maikling Kuwento

Buhay… sa isang sulyap… pinangyayari sa isang iglap… iyan ang buod sa pagsulat ng isang maikling kuwento.

Tauhan…? isang pangunahin lang…

Pangyayari…? Isang madulang sitwasyon ng karanasan niya sa buhay…

Epekto sa mambabasa…? Hindi basta malilimutan dahil sasalubsob ito sa kanyang isip at damdamin na sa tuwing masasalat ay nakababalisa.

Ang tatlong kababanggit na bagay ang pinakaimportanteng kailangan para makasulat ng isang masining na maikling kuwento.

Maikli… dahil kailangang maging matipid ang manunulat sa kanyang pananalita para maging mabilis ang pagsasalaysay.

Maikli… dahil kailangang mabasa sa isang upo lang para di-makaaksaya ng panahon sa mga taong abala sa kani-kanyang pang-araw-araw na gawain.

Masining…dahil mapamaraan ito kung gawin. Ginagamitan ng iba’t ibang teknik panliterarya para maging kawili-wili sa sandali nang pagbabasa.

Tandaan lagi sa masining na pagsulat ang dalawang bagay na napakahalaga: ang sensitibong pagbabasa at ang maingat na pagsusulat.

Ang mga Mahahalagang Elemento sa
Pagsulat ng Isang Maikling Kuwento

Kailan nga ba at saan nakasalalay ang ganda ng isang kuwento?

Sa kasagutan ng tanong na ito pumapasaok ang mahahalagang kasangkapan sa paglikha ng isang kuwento na dapat na maingat na isaalang-alang para ganap na mapahalagahan ang pangkalahatang kagandahan nitong taglay. Ang mga elementong ito ay ang mga sumusunod: tagpuan, tauhan, aksyon, tema at himig.

Pook at panahon ang ipinakakahulugan ng tagpuan sa kuwento, kung saang espasyo nangyari at kung kailang tiyempo naganap ang aksyon.

Ang tagpuan ay maaaring mailarawan sa dalawang kaparaanan: patiyak at papahiwatig. Patiyak kung tukuyang sinasabi ng tagapagkuwento ang pangalan at lugar; papahiwatig naman kung sa mga detalye lamang nahihinuha ang pook.

Mahalaga ang tagpuan, hindi lamang dahil maaari itong ituring na parang tauhan sa salaysay, kundi dahil sa tatlo (3) pang tungkuling nagagawa nito. Una, kagyat nagpapakilala ng tauhan dahil sa mga gawing kaiba, kakatwa o tangi sa pook, tuloy, nakapagbibigay ng tiyak na katibayan. Pangalawa, nagbibigay rin ito ng kapaligirang tumutulong sa klase ng emosyong gustong palutangin sa kuwento at pukawin sa mambabasa. Pangatlo, isinasanib nito ang sariling kahulugan sa kahulugan ng kuwento para makamit ang kaisahan sa kabuuang kahulugan.

Isa sa maaaring pagsimulan ng isang kuwento ay ang tauhan. Ang tauhan ang nag-iisip at kumikilos sa kuwento kaya nagkakaroon ng mga pangyayari. Ang takbo ng mga pangyayari ay nasusundan ng tagapagkuwento sa pamamagitan ng tauhan.


Sa isang kuwento, ang bilang ng tauhan ay umaayon sa kaanyuan ng pagkukuwento. Kung maikling kuwento, na isang insidente o pangyayari lamang ang tinatalakay, mainam na ang magkaroon ng tatlong tauhan. Datapwat, iisa lamang ang pangunahin at sa kanya nakapokus lahat ng atensyon sa pagpapaunlad ng salaysay. Samantala, ang dalawa ay mga katulong na tauhang kasamang sumusuporta dahil may kinalaman, kaya’y nababanggit lamang dahil may kaugnayan, sa gayon, maging ganap ang pagkilala sa katauhan at pagkatao ng pangunahing tauhan. Kung nobela naman, na isang madetalyeng pagtunghay sa mga kawing-kawing na kabanata ng buhay, natural lamang na maraming tauhang nasasangkot at maaaring dalawa o tatlo ang pangunahin.

Para mapahalagahang maganda ang isang kuwento, kailangan malikhang mabuti ang tauhan. Mapangyayari ito sa mga sumusunod na katangian:

1. ito’y kapani-paniwala,
2. ito’y madahilan kung kumilos,
3. ito’y konsistent o hindi basta-basta nagbabago sa kalikasan nito; at
4. ito’y may kakanyahang sarili.

Kapani-paniwala ang isang tauhan kung ito ay may katulad na nakikitang nabubuhay sa mundo. Wika nga’y totoo itong tao, nagtataglay ng positibo at negatibong katangian. May kapurihan at kapintasan. May kalakasan at kahinaan. May kabutihan at kasamaan. May katinuan at may kabaliwan. May kabanalan at may kasalanan. May kalabisan at kakulangan. Hindi siya isang kataka-taka na pinakaubod ng lahat na positibong katangian, kung bida, at negatibo, kung kontrabida.

May dahilan naman ang isang tauhan kumilos kung gumagawa siya ng pansariling paraan, nakikibaka, para maalpasan ang mga pagsubok sa buhay at mabago ang anumang di-mabuting kinasasadlakan. Sa ganitong paraan, hindi siya mahahatulang mahina o pabaya, dahil sa anumang kasasapitan, tagumpay man o kasawian parehas niyang nilalabanan.

Datapwat ang tauhan ay hindi basta-basta pinagbabago. Ang lahat ng bagay ay may proseso. Ang pagbabago ay dinaraan sa panahon at inaayon sa kalikasan ng personalidad ng tauhan. Kung sa simula pa ang tauhan ay bakla na, datapwat, hindi hinahangad na mabago pa, lahat ng mga masasakit at mahihirap na paraan ay susubukin, pero asahang hanggang sa wakas ang kalagayan ay magiging gayundin. Sikolohikal ito. Ang anumang naiisip ay napipigilan, subalit hindi mababago kailanman, maliban na lamang kung magmilagro, ngunit hindi na magiging kapani-paniwala pa ito.

Katangi-tangi, kaala-alala ang isang tauhan kung kaibang-kaiba. Ang kakaibang tauhan ay iyong buhay na buhay sa ganang sarili niyang kakanyahang taglay. Sa pananalita, sa kilos, sa ugali, sa lahat ng kalikasan nito mismo ay walang katulad, subalit karaniwang nakikita sa araw-araw na buhay. Hindi ito nakakahon o kung tawagin sa Ingles ay stereotype. Iyon tipo bang kapag madrasta, masungit at mapagmaltrato. Kung kerida ito ay palaging materyosa at mataray. Kung asawa, ito’y laging nagmamartir. Kung mahirap ito’y lagi na lamang problemado. At marami pang iba. Kailangang mabago ang ganitong konsepto dahil sa totoong buhay hindi lahat ng tao ay pare-pareho.

Mga Uri ng Tauhan:

1. Pangkalahatang Uri:
a. Pangunahin (main character) – ang siyang kumakabaka sa pangunahing suliranin
b. Mga Pantulong na Tauhan ( supporting characters) – maaaring tumulong o humadlang sa pangunahing tauhan sa paglantad o pagkabaka sa pangunahing suliranin

2. Iba pang Uri/katawagan:

a. antagonista –tawag sa katunggali o traydor
protagonista – bayani o bida sa kuwento

b. makatotohan – mga tauhang hango sa tunay na buhay
di-makatotohanan – mga tauahng likha lamang ng guni-guni (di-tao)

c. lapad – stereotype (taong pamilyar) o nagbabgo ang karakter/katangian
bilog – nagbabago ang karakter (iba sa simula, iba sa wakas)

Ang mga Pamamaraan sa Paglalarawan ng Tauhan

Maipakikita ng tagapagkuwento ang larawan ng isang tauhang buo sa pamamagitan ng dalawang kaparaanan: una, tahasan, at pangalawa, di-tahasan.

Tahasan ang paglalarawan kung mismong tagapagkuwento ang isa-isang naghahayag sa mga katangian ng tauhan. Ang pamamaraang ito ay di-gaanong mabisa sapagkat parang minamaliit o ninanakawan ang mambabasa at tagapakinig ng pansariling kakayahang tumuklas sa dapat o gusto niyang malaman. Ito ay nagiging mahalaga lamang kung ang tahasang pagbanggit sa katangian ay pinupunuan ng mga diskripsiyon ng mga insidenteng ito’y lumilitaw.

Samantala, di-tahasan ang paglalarawan kung ang mga katangian ng tauhan ay nakikita mismo sa sariling pananalita, pagkilos, pag-iisip at pisikal na itsura at kaayusan (sa tulong ng paggamit ng mga matatalinghagang salita, tayutay, simbolo at mga paghiwatig) – sa mga detalye ng mga pangyayri nahihinuha ang pook o ganapan ng kuwento. Gayundin naman sa sinasabi tungkol dito ng ibang tauhan at sa pagsasalungat ng mga katangian nito sa ibang tauhan. May mga sabi-sabing naririnig tungkol sa pamamaraang ito. Sa bibig nahuhuli ang isda. Sa pangalawa, Sabihin mo sa akin kung sinu-sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo kung ako ka.

Ang Paksang-diwa o Tema ay siyang pangunahing kaisipan ng kuwento, ng pangkalahatang pagmamasid sa buhay ng may-akda na nais niyang ipabatid sa mambabasa. Hindi ito dapat ipagkamali sa sermon o aral. Hindi sapat na sabihing tungkol sa pagiging ina ang tema. Paksa lamang itong matuturingan. Ilahad ito nang ganito, “Kung minsa’y puno ng pagkasiphayo kaysa kaligayahan ang pagiging ina,” (Tambuli, 1990). Kumbaga, ang paksa ay ang siyang pinag-uusapan sa kuwento at ang tema naman ay ang siyang nagsasabi tungkol sa kung ano ang pinag-uusapan.

Bagamat ang isang manunulat ay hindi nahihirati sa iisa lamang na paksang-diwa, madaling makilala ng mambabasa ang kuwentong kanyang babasahin matapos niyang mabasa ang pamagat at ang may-akda nito. Katulad ni Genoveva E. Matute, ang kanyang ibang akda ay kasasalaminan ng kanyang mga karanasan sa buhay na pinatitingkad ang kulay ng mga tauhang kanyang pinili. Ang buhay ang pangunahing paksa ng mga akda ni Matute.

Ang paggamit ng Pahiwatig naman, sa ibang banda, ay nakatutulong upang maging matimpi ang isang kuwento. May mga kuwento na sinasabi nang lahat ang nais ipahayag ng may-akda. Sa makabagong uri ng kuwento ay ipinahihiwatig lamang ng may-akda ang mahahalagang pangyayari.

Sa paggamit ng pahiwatig ay dapat na maging malinaw ang mga pahayag ng may-akda. Kailangang maunawaan ng bumabasa ang pahiwatig mula sa kuwentong nabasa. Dahil sa sangkap na ito, nagiging malikhain ang mga mambabasa sapagkat naiiwan ang kanyang guni-guni o imahinasyon sa mga pangyayaring nagaganap o maaaring maganap sa kuwento. Hindi nagiging kabagut-bagot sa sinumang bumabasa ang paglalantad ng mga sumusunod na pangyayaring inaakala niyang napakahalaga. Pansinin ang pagkakalarawan ni Deogracias A. Rosario sa kanyang kuwentong “Walang panginoon” sa pagkamatay ni Don Teong:


Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang suweter sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad ang may kapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.


Masining ang ginagawang paglalarawan ng may-akda sa naging kapalaran ni Don Teong. Kung sa unang pangungusap ay inilalarawan ang anyo ni Don Teong bunga ng pagkakasuwag sa kanya ng kalabaw, sa ikalawang pangungusap naman ay ipinamalas ng may-akda ang kilos na naganap sa kuwento, bukod pa sa ginamit itong instrumento ng may-akda upang ipakilala ang iba pang mga tauhan sa kuwento. Hindi sinabi ng may-akda na namatay si Don Teong ngunit ipinahiwatig niya ito sa pamamagitan ng masining na paglalarawan.


Tunghayan ang ilang halimbawang sitwasyon na maaaring magbigay sa iyo
ng ilang pahiwatig.

1. May nagkalat na balat ng saging sa dadaanan ni Eddie. Ano ang maaaring mangyari kay Eddie?
2. Malalakas at sunod-sunod na kulog kasabay ng matatalim na kidlat ang namamayani sa oras na iyon. Ano ang maaaring maganap pagkatapos ng pangyayring ito?
3. Napakaraming tao ang nag-aabang ng sasakyan. Lahat halos ng mga pumapanhik sa MRT wala pang tatlong minuto ay bumababa na sila papunta sa mga sasakyan ng bus at jip.

Simbolo ang tawag din sa salita o mga salita na kapag binanggit sa isang akdang pampanitikan ay nag-iiwan ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa mambabasa. Halimbawa, ang puti ay kumakatawan sa kalinisan, pula naman ang kumakatawan sa katapangan o kaguluhan.

Sa isang kuwento ay hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng tinatawag din na Katimpian. Sa mga pangyayari o eksena ng kuwento, ang matinding pag-iyak ay hindi tanda ng matindi ring kalungkutan, di gaya ng tahimik, pigil at ‘di maihayag na pighati.

Maliban sa katinmpian, ang Pananalita o mismong diyalogo ng mga tauhan ay isa pa ring maituturing na sangkap ng mahusay na maikling kuwento. Ito ang siyang usapan o salitaan sa kuwento, na siyang tinuturing na diwa at buhay ng mga tauhan at pangyayari.

Nariyan din ang tinatawag na Himig. Ito ang siyang damdamin ng mga usapan o ng mismong kuwento.

Higit sa lahat, hindi dapat kaligtaan ang tinatawag nating Banghay. Tinatawag din itong Aksyon o mismong balanagkas ng maikling kuwento. Ito ang nagsisilbing kilos ng mga pangyayari, o kung sa ibang salita, serye o maayos na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayri.

Bakit sinasabing ang mga pangyayari sa kuwento ay sunod-sunod? Ito ay sa dahilan na ang kuwento o ang mga pangyayari sa kuwento ay dapat masistema o may sistemang sinusunod, may estrukturang pinagbabatayan na siyang nagsisilbing kalansay o pundasyon ng kuwento – may simula, gitna at wakas na pangyayari. Sa isang kuwento pa rin, sinasabing may banghay sa loob ng isang banghay –may kuwento sa loob ng isa pang kuwento.

Tunggalian din ang tawag sa labanan sa kabuuan ng kuwento. Ito ay maaaring makita sa mga dayalog, galaw ng mga pangyayari at paglalabanan ng mga damdamin. Dito rin nakikita ang suliranin o pangunahing suliranin ng pangunahing tauhan. Kung wala nito, walang kuwentong mabubuo. Maaaring katunggali ng pangunahing tauhan ang kanyang sarili, kapwa tauhan, at kalikasan (lugar, panahon, lipunan at paniniwala).

Laging tatandaan na sa pagsusulat ng maikling kuwento hindi dapat naisasantabi ang mga sang- kap na ito. Tulad ng isang pagkain, hindi magiging masarap ang isang uri ng putahe kung wala itong mga sangkap. Ang mga sangkap na ito ay kinakailangang magtulong-tulong upang mabuo ang isang malikahain at masining na maikling kuwento.

Hindi rin dapat kalilimutan na sa isang kuwento, kung gagawa, lilikha o susulat ka ng kuwentong masasabing mabuti, tulad ng iba pang anyo ng sulatin, bawat kaisipang dapat ipasok o ipaloob sa pagsusulat ay kailangang ihango sa tunay na buhay o kalakaran ng iyong mga karanasan na binibigyang palabok ng iyong mayamang guni-guni at mga panliteraryang teknik.







Paghahanda: Ulat sa Maikling Kwento
FILIPINO 211– Malikhaing Pagsulat
Ika-12 ng Disyembre 2009
Ricafrente, Leo B.

2 komento:

Unknown ayon kay ...

salamat sa detalya tungkol sa pagsulat at mga sangkap ng kwento...

born-san ayon kay ...

Magaling! Salamat po dito. Malaki po ang maitutulong nito sa pagsusulat ng maikling kwento.