Repleksiyong Papel Marso 27, 2010
FILIPINO 210 – Estruktura ng Filipino Ricafrente, Leo B.
TAWAGIN MANG TAGALOG O FILIPINO,
ANG PAMBANSANG WIKA’Y NARITO NA
ni Rogelio Sikat
Sa Aking mga Kabata
Nangangahulugan, sa tulong ng dayagram sa itaas, na ang Filipino ay isang wikang pinalawak, na ang Tagalog ang siyang naging pangunahing batayan, isang wikang yumayabong at umuunlad.
Kung naging bulaklak marahil ang tula ni Dr. Rizal na “Sa Aking mga Kabata,” tinitiyak kong luray na luray na ito ngayon sa madalas na paggamit. Marami siguro ang nag-iisip na ikatutuwa ng bayani ang paulit-ulit na pagsambit ng nagpuputik na linyang, “ang hindi magmahal sa kanyang salita ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Ngunit hindi rin ba totoo na kahit anong ganda o sarap ng isang bagay, kung palaging iyon nang iyon, ay nakakasawa rin? Nakakalungkot na sa kabuuan ng tula, lagi nang ang linyang iyon ang napag-uukulan ng pansin. Hayaan ninyong sa pagkakataong ito, ibang linya ng tula ang aking bibigyan ng diin, na sa aking palagay, sa likod ng isipan ng henyong si Rizal, darating ang panahon na ang wika natin ay tunay na patungo sa globalisasyon. Anong saknong o mga taludtod ito? Narito ang kanyang sinabi:
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel
Sapagkat ang Poong maalam tumingin
Ang Siyang naggawad, nagbigay sa atin!
Ano ang ipinahihiwatig ng saknong na ito? Maliwanag pa sa sikat ng araw na para sa bayani, ika-19 na siglo pa lamang, ang Tagalog (hindi pa Filipino) ay katulad na o kapantay na ng tatlong higanteng wika: ang Latin na wikang opisyal ng Simbahang Katoliko, ang Kastila na siyang wikang opisyal ng pamahalaan noon at ang Ingles na siyang wikang unibersal sa ngayon. At kung pakakasuriin pa, ang ikaapat na wika, ang wikang anghel (mayroon ba nito?) ay tulad din daw ng Tagalog! Ano lamang ang batayan ng batang Rizal? Ang katotohanang Diyos ang nagbigay, at dahil ang Diyos ay makatarungan, walang mas nakahihigit sa alinmang wika. Kung gayon, tayo lamang mga tao ang naglagay ng diskriminasyon sa mga wikang kaloob ng Poong Maykapal!
Gusto ko ring idagadag at ipaunawa na HINDI TAGALOG ANG ATING PAMBANSANG WIKA, KUNDI FILIPINO! Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Hindi nangangahulugan na marunong ka ng Tagalog ay magaling ka na sa wikang Filipino. Dapat malaman ninuman na mas malawak at intelektwalisado ang wikang Filipino kaysa sa katutubong Tagalog. Kung may pagkakahawig man, ito ay dahil naging batayan ang Tagalog ng ating pambansang wika. Ngunit sa mga simpleng salitang sasabihin ko, makikita ninyo ang pagkakaiba. Halimbawa:
communication comunicacion komunikasyon pakikipagtalastasan
constitution constitucion konstitusyon saligang-batas
dialogue dialogo diyalogo talamitam
culture cultura kultura kalinangan
Upang higit ninyong maunawaan, ilagay natin sa pangungusap.
Pilipino:
“Ang guro ay pumasok sa silid-aralan para isulat sa pisara ang takdang-aralin.”
Filipino:
“Pumasok sa klasrum ang titser para isulat sa blakbord ang asaynment.”
Alam ba ninyo kung ano sa Tagalog ng pangungusap na binanggit ko? Ganito:
Tagalog:
“Ang tagapagturo ay pumasok sa silid-aralan upang isulat sa kahoy sa dingding ang takdang-aralin.”
Sa aking palagay, walang estudyante sa kasalukuyan ang nasa matinong pag-iisip ang magsasalita nang ganito, kahit pa sabihing nasa rehiyong Tagalog siya. Narito ang halimbawa:
“Inay, sandali po akong hihimlay sa ating silid-tulugan. Kung maaari po sana, sa takdang ika-6 ng gabi, ako’y inyong pukawin sa aking pagkakahimbing upang agad na makadulog sa ating hapag-kainan. Nang sa gayon, ay makapagpanibagong lakas para sa magdamagang pagsusunog ng kilay.”
Kung kumbinsido na kayo na hindi Tagalog ang Filipino, paano naman kung gayon magiging posible ang globalisasyon ng ating wika? Halimbawa na lamang, sa mga mahihilig sa internet, sino ang hindi nakakaalam ng mga website na yehey.com, globalpinoy.com at maging ang pinakamaganda.com? Patunay ang mga ito na nagagamit na sa internet ang wikang Pinoy!
Sa mga mga naging impormasiyon at pagpapaliwanag, malalagom na ayon nga kay Rogelio Sikat, TAWAGIN MANG TAGALOG O FILIPINO, ANG PAMBANSANG WIKA’Y NARITO NA!
Kaya, bilang mga kabata, sa tanong ni Sikat sa kanyang artikulo na Gagawa na naman?, ang sagot ay dapat alam na. Ang sagot ay hindi na gagawa naman ng panibagong wika. Ang siyang tunguhin na gawain na lamang ay ang paggawa ng mga espisikong hakbangin at malawakang pagkilos upang paunlarin pa lalo ang wikang Filipino, tulad na lamang ng ebolusiyon nito. Ang ganitong pagtuon ay isang mabisang pagtalima sa magandang kinabukasan ng ating wikang pambansa. Hindi kailangang maging makaluma. Nararapat lamang na pairalin ang perspektibong global. Tandaan na ang intelektuwalisado’t liberal na Filipino, bilang wika, ay kinakailangan ng mahusay na pagpapahalaga ng isang intelektuwalisadong tao.Ito ay walang iba kundi tayo mismong mga Filipino.
Ang gawaing pangwika ay isang matimbang na pagsukat ng isang pambansang karakter. Ito ay hamon ng tagumpay sa lahat. Ito ang susi sa anumang hangaring naisa na maabot at matupad.
Bilang aking pangwakas, sikapin nating limiin ang awit na ito:]
Villar asks…
Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura
nagpasko ka na ba sa gitna ng kalsada
’yan ang tanong namin
tunay ka bang isa sa amin...
Noynoy answers…
‘Di pa kami naliligo sa dagat ng basura
at ang aming Pasko ay sa Hacienda Luisita
‘yan ang sagot namin
eh kasi rich angkan namin...
Gibô answers…
Sa bathtub lang at hindi sa dagat ng basura
Nag-Pasko ‘di sa kalye, kundi dun sa Amerika
at least umaamin
na super-blessed pamilya namin....
Brother Eddie answers…
Lalakarin ni Hesus ang dagat ng basura
sa Pasko papakanin mga tao sa kalsada
promise niya ‘yan sa akin
at sa flock ko rin na 5M...
Bayani answers for Gordon…
Bakit nga ba mayroong dagat ng basura
‘Pag Pasko tambak kasi mga ‘yan sa kalsada
lahat ‘yan dahil sa atin
tayo ang dapat na sisihin...
And finally, Jamby answers…
Si Manny Villar ay dapat lamang ibasura
Dinoble n’ya ang budget sa iisang kalsada
‘yan ang alam namin
bakit ba ayaw n’yang aminin...
Layunin ng awitin na hindi magpatawa, alam mo yan. Kung nalimi mong kantahin ang awitin, mapapansing umiikot ang kabuuang liriko sa awayang politikal.
Gayunpaman, kung mas lilimiin mo pa lalo at kung iuuganay ito sa usaping pangwika, ang mensahe ng awitin ay malawak. Nais nitong iparating sa atin ang tunay na kalagayan ng awayan sa magkabilang panig. Nairiyan ang siraan, kontrahan at paghamak sa buhay.
Sa pagsulong ng isang hangaring pangwika, ang awayan ay isang delubyo kung maituturing. Isa itong pahamak na paglinang sa pambansang wika. Kaya, sa gayon , ang kailangang magawa ay dapat gawin na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento